Maharot

Ibang klase ang pagmamahal ko para sa’yo ngayong araw na ‘to.

Tipong gusto kitang yakapin minu-minuto kung nasa tabi lang kita.

Parang kiti-kiti.

Parang uod na sinabuyan ng asin.

Parang batang may ADHD.

Parang patok na jeep.

Parang batang nakakain ng isang dosenang tsokolate.

Parang Sexbomb Dancers habang sumasayaw sa saliw ng Itaktak Mo.

Parang walkers pag kumakain ng laman ng tao.

Parang ako pag nagkru-krumping.

Parang yung metaphors na hindi maubos-ubos sa utak ko ngayon para i-describe kung gaano.

Ganun ka-hyper.

Ganun ka-aktibo.

Tenbits

Ilang taon na din mula nang mahilig akong manood ng mga series. Nagsimula ako sa One Tree Hill tapos hindi ko na mabilang kung ilan na yung mga nasubaybayan ko. Nakakatawa lang dahil lahat yun, pinanood kong mag-isa. Hindi kasi siguro ako yung tipo ng nakikipag-diskusyon pagkatapos ng isang episode. Ayoko lang talaga ng ganun. Madalas gusto ko, yung reaksyon ko, akin lang. Ang magiging patunay lang siguro na sobrang nagustuhan ko ang isang series o pelikula ay kapag nirekumenda ko sa’yo yun. Yun lang, wala nang usap-usap.

Tapos ito na naman tayo sa napaka-cheesy na parte ng blog entry na ito. Ganyan talaga pag inlab, mai-inject mo sa lahat ng usapan yung minamahal mo. Pero ginawa ko lang namang intro yun para kunwari pa-deep. Ang katunayan, gusto ko lang namang ibahagi sa inyo ang katiting na parte ng relasyon namin ni Ambrocio. Ay, teka, hindi pala siya katiting. Kasi sa pamamagitan ng panonood namin ng iba’t ibang series at mga pelikula kaya namin unti-unting nakilala nang lubusan ang isa’t isa. Isa pala yan sa pundasyon ng relasyong ito. Naisip ko nga, naging crush ako nun lalo nang malaman niyang nanonood ako ng Game of Thrones e. Charaught. Medyo ako lang naman nag-convince sa kanyang manood nun. Ehem. *creepwalks*

Naiisip niyo, paano nga ba kami nanonood? Well, ganito…

Image

Hindi na ko nanonood mag-isa masyado ngayon. May mga pinapanood pa din naman ako na ako lang, pero yung pareho naming gusto, sabay naming pinapanood. Naunahan ng Game of Thrones na kung saan ay inulit ko ang Season 2 para masabayan ko siya, sinundan ng Once Upon a Time, at ngayon nga, The Walking Dead. May pasundut-sundot na panonood ng 2 Broke Girls, Community at Friends ding nagaganap. Ayun nga, Friends. Hindi ako nanonood nun dati. Nasa ikatlong season na ko ngayon, siya ang nangumbinsi sa’king manood nun dahil nga paborito niya yun.

Masayang kasama si Ambrocio manood dahil hindi siya epal. Pareho naming ayaw ng mga epal. Ayaw namin ng mga nagmamarunong o mayabang. Lalo na yung kailangan bawat linya idi-discuss agad matapos bitawan ng aktor. Hindi man lang hintaying matapos yung episode. Pero siya, maaliwalas na kasama manood. Sabi sa inyo e, kakaiba ‘tong napick-up kong chicks. 😉

Hindi ko na rin mabilang kung ilang pelikula na ang napanood namin. Basta ang dami na. Pero sa ibang entry na lang yun. Buti na lang kamo libre lang ang pagda-download. Namimirata lang kami. Pa’no na lang pala kung mga twice a week kami nanonood ng sine, ‘no? Parang ang gastos isipin!

Napag-usapan na namin na bukod sa isang bonggang bookshelf, dapat may corner din sa magiging bahay namin ang DVDs at dibidis. Pag marami na kaming oras, panonoorin namin lahat ng gusto namin hanggang sa lumabo na ang mga mata namin kasi malamang matanda na kami nun. Kaso baka pala bulag na ko nun kasi sobrang malabo na mata ko ngayon. E sa dami ba naman e!

Tapos hindi ko na alam kung paano ko tatapusin ‘to. Kaya “Tenbits” ang titile. Hahaha!

Tangina Tibs

http://twitter.com/tanginatibs

Malamang sa makakabasa nito, lalo na sa mga kaibigan ko, malalaman niyo na ngayon na ako pala ang nasa likod ng siraulong account na ‘to. Sinimulan ko siya nung Pebrero, nung kainitan ng break-up ko. Pero hindi ko siya ginawa dahil malungkot ako o ano. Maniwala ka, masayang-masaya ako nung mga panahong iyon. Wala namang sobrang interesting na istorya kung bakit ko siya ginawa, basta lang isang araw, naburyong ako. Ganun lang. Noong panahon ding iyon naglabasan ang lahat ng Tangina accounts sa Twitter: Tangina Bro, Tangina Mars, Shutangina Beks. Napansin kong walang Tangina account para sa mga lesbiana, kaya ayun. Ganun lang naman ang kwento.

Bilang ang tagal ko na ding aktibo sa mundong ito, masasabi ko namang marami na din akong naipong kaalaman at experiences. Hindi man ako kasing-talino ng iba, kagaya na lang ni Libay Cantor, alam kong kaya ko naman sigurong i-meynteyn ang account na ‘to.

Hindi ko na nga lang masyadong matandaan kung kailan ko eksaktong ginawa ang Tangina Tibs. Basta pagkatapos ng dalawang araw, mayroon na kong 200+ followers. Samantalang yung personal Twitter account ko, isang taon na nung mga panahong iyon pero nasa ganun pa lang din ang bilang. Sa ngayon, mayroon akong 2,782 followers. Hindi siya kasingdami ng ibang Tangina accounts ngunit masaya akong maging parang “hub” ng mga lesbiana sa Twitter. Para na nga siyang Downelink ng Twitter.

Nung una, puro patawa lang ang tini-tweet ko sa tono ng isang dirty old tibs. Kaya nga siguro maraming nag-aassume na butch ako noon. Kinailangan ko pang sagutin ang mga tanong kung butch ba ko o femme. Syempre sabi ko purple ako, yung nasa gitna o halo ng blue at pink. Futch o bemme. Kahit ano pang gusto mong itawag dyan. Basta ang alam ko, lesbiana ako, period.

Nakakatuwa lang din, hindi lang puro mga pacute o yung mako-consider nating “jejemon” ang mga naunang naging followers ko. Maraming mga matatalinong tibs ang kumakausap sa’kin. Siguro nai-intriga talaga sila kung ano at sino ako. Medyo naging palaisipan pa nga ang edad ko, baka daw isa nga talaga ko sa mga dirty old tomboy. May ilang artikulo na din na napasama ang Tangina Tibs at in fairness naman ay napuri din ako. Kinikilig pa din ako hanggang ngayon sa tuwing naiisip ko yun.

Marami rin namang naitulong at naituro sa’kin ang Tangina Tibs. Bukod sa nakakilala ako ng mas marami pang kaibigan, dito ako natutong maging mas sociable. Kahit ganito ang personalidad ko, madalas awkward pa din ako lalo na sa unang pagkikita. Kahit madaldal ako, ang ending minsan, hindi ako nagsasalita. Natutuod ako. Binago ng Tangina Tibs yan. Nagagawa ko na ngayon maging mas friendly, nabawasan na ang pagiging mahiyain ko. (Akalain mo yun? Mahiyain pala ko?) 

Hindi na nga lang kasing-aktibo noon yung Tangina Tibs ngayon. Syempre naubusan na din ako ng mga ibubuking tungkol sa mga lesbiana. Ngunit pinipilit ko pa din siyang panatilihing buhay sa pamamagitan ng random tweets, pagre-retweet ng kung anung kinatuwaan kong mabasa, pagbabahagi ng mga isinulat ng ilan sa followers at pag-promote ng events na may kinalaman sa LGBT community. Ito na din siguro ang pinaka-paraan ko upang maging aktibo sa laban lalo na pagdating sa usapin ng equality.

O basta, atin-atin na lang muna yan. Unti-unti ko naman na ding ipinapakilala ang sarili ko bilang babaeng nasa likod ng Tangina Tibs pero ayokong mag-ingay. Para siyang isang open secret. 😉

Follow TANGINA TIBS on Twitter! 🙂

Pag-usapan natin si Ambrocio

Bilang nawala sa utak ko yung dapat na isusulat ko dito kagabi, hayaan niyong ipakilala ko muna sa inyo si Ambrocio. Malamang nakikita niyo na ang mga larawan niya sa halos lahat na yata ng social networking sites na may account ako pero gusto ko siyang ipakilala sa inyo. 🙂

Hindi ko na matandaan kung nasabi ko na ang mga katagang ito noon tungkol sa isang tao pero isa lang ang sigurado ako, I really mean it this time. Hindi siya yung dala lang ng pagkabata o ng kawalan ng experience, hindi rin dahil masyado akong excited kaya napapaniwala ko ang sarili ko sa mga maliliit na pantasyang meron ako at kung anu-ano pa. Ito yung relasyong dumaan talaga sa proseso bago masabing “kami” na talaga.

Kung iba-base mo sa tweets at Facebook posts ko ang personalidad ko, mahuhuli mo naman agad kung ano talaga ako. Alam kong maraming taong halos kasing-siraulo ko ngunit bihira ang swak na swak talaga sa kagagahan ko. At doon na natin maaaring ipasok si Ambrocio. Siya na yata ang pinaka-saktong tao na maaaring itapat sa akin. Yun bang saktong amount ng kagagahan at kaseryosohan. Kahit naman noon pa na nagpapalitan kami ng pick-up lines sa Facebook, minsan kahit hindi ko na ihirit, alam niya na agad. At para sa’kin, bihira ang ganun, yung nagbibigay ng oras para lang tapusin ang bawat pangungusap na lalabas sa bibig mo.

Nagtataka kayo kung bakit Ambrocio. Para lang din yang Bogart ko. Yun din ang pangalan na gusto niya kung magiging lalaki siya. Para sa mga nag-iisip kung Ambrocio nga ba ang apelyido niya, mali kayo. Tan po ang apelyido niya, may lahing intsik ngunit hindi mukhang intsik.

So ayun na nga, unti-unti ko siyang ipakikilala sa inyo sa mga susunod na blog entries. Kasi kung ipagkakasya ko sa isa lang, baka maging nobela na ‘to. Basta ang pinakapatikim ko ay… sa tingin ko siya na talaga. Ngayon ko lang sasabihin ‘to. Unang beses ko lang naramdaman ang ganito kaya maniwala kayo sa’kin. Sa dinami-dami ng relasyong pinagdaanan ko, dito ako naging lubos na masaya. Ito yung pagmamahal na nabuo at lumago dahil sa simpleng gaguhan, kwentuhan, tawanan, panonood ng mga pelikula, pagkanta nang sabay at kung anu-ano pang maaaring gawin sa pamamagitan ng Skype, iMessage at WhatsApp at hindi dahil sa libog o paglalandi lamang. Nakilala ko muna ang buong pagkatao niya bago ko nasabing talagang gusto ko siya. Malaking factor na magkalayo kami dahil alam kong mas malalim yung pagkagusto at pagmamahal. Sabi ko nga, ganito na ka-intense yung pag-ibig kahit magkalayo kami, pa’no pa pag nagkasama na nga talaga kami, ‘di ba? Malamang magsasabog talaga kami ng positive vibes. 🙂

Hayaan niyong tapusin ko ito sa pamamagitan ng nakapa-mainit na larawan niyang ito.

Ang nakakatawa dyan, minsan kinikilig pa din ako pag tumitingin siya sa’kin tapos ngingiti at sasabihing, “Ang ganda mo ngayon ah.” Okay, fine, madalas. Kwento ko sa inyo sa susunod kung pa’no ko siya nakilala at kung pa’no namin sinagot ang isa’t isa. Haha.

At para sa inyo na nasa US din, taga-LA nga pala siya. 🙂

Sulat para kay Ambrocio I

Dear Ambrocio,

Ilang araw na lang pala, SECOND MONTHSARY na natin. Pero atin-atin na lang yan. Basta ipangako mong pagtapos ng isang taon, taon na talaga ang bibilangin natin at hindi buwan ha? Oo, taon. Aabutin tayo ng taon. Hindi lang lahat ng kilala kong psychic ang nagsabi nyan, pati lahat ng mga kaibigan at ka-barangay namin nagsasalita na din. Pati trike drivers sa kanto namin, pinag-uusapan na din yan. Isama mo na din yung mga chismosang nagtitinda ng ulam malapit dito sa’min. Aba’y pina-plano na ang gown na isusuot nila sa kasal natin! Gusto pa kamong gawin kong flowergirls ang mga anak nila! Yung mga barbero pa nga sa kabilang kalsada, madalas nang magkamali ng gupit dahil iniisip na nila yung amer’kanang gagamitin nila!

Kita mo, hindi lang tayo ang eksayted na magkatuluyan tayo, sila din. Bibiguin ba natin sila?

Basta sabi ko bigyan nila tayo ng limang taon para mapaghandaan yang engrandeng kasal na yan dahil balak kong magpakatay ng limampung baboy, isandaang manok, banye-banyerang isda, isang buong sakahan ng palay at isang gubat ng prutas para sa handaang magaganap. Ano sa tingin mo, mahal ko?

Pucha, nakakagutom isipin yung napakaraming manok. Kung ako lang kaya ang kakain ng isandaang manok na yun, ilang araw ko kaya matatapos lahat yun? Teka nga, alas dos na’t hindi pa ko nanananghalian. Makakain na nga muna.

Bogart

Ola, sabong panlaba!

Aside

Sinong mag-aakalang isang araw, susubukan ko ulit gumawa ng blog? Ginawa ko ito dahil sa Shenggans. May naisip kami nung isang araw lang na susubukan naming buhayin ang maliit na circle namin noon. Nagsimula yata akong mag-blog sa Xanga noong 2004? Hindi ko na maalala, basta bagets na bagets pa ko nun. Ligaw-ligaw pa ang mga sinasabi ko pati na din ang itsura at interests ko. At ito na nga, pagkatapos ng ilang taon, medyo ligaw na lang ako. Medyo na lang.

Ito na nga pala ngayon ang itsura ko matapos ang lahat ng operasyong pinagdaanan ko. Mula sa pagpapatanggal ng adam’s apple hanggang sa pagpapadagdag ng laman sa aking dibdib. Hindi ko nga lang magawang ipagawa ang ilong ko kasi feeling ko mawawala ang identity ko pag pinaayos ko yun. Nagpa-botox na din ako ng makailang ulit at nagpalagay ng kung chenelin sa labi para malakas maka-Angelina Jolie. Nakapagpa-lipo na din ako para seksing-seksi ang katawan ko. Kaso syempre, hindi ko pa rin naging kawangis si Georgina Wilson o si Anne Curtis. At syempre din, alam niyong joke lang yan.

Basta sana makayanan kong pangatawanan ‘to, sana huwag akong tamarin. 🙂

Bogart