Ako vs 2012

Bukod sa 2008, ang 2012 na din ang isa sa mga paborito kong taon. Lahat na yata ng emosyon, extreme man o hindi, ay naramdaman ko. Kahit pinaglaruan ng 2012 ang pelengs ko, wala akong ni katiting na pag-angal dahil ang galing ng pagbawing ginawa nito sa akin.

Naranasan kong humiwalay, maghanap at makahanap ng bagong pag-ibig ngayon taon. Nakaramdam ako ng galit, awa, lungkot, saya, pag-asa, selos at iba pa. Walang emosyong umulit ng lagpas sa dalawa o tatlong beses, medyo malayo din ang interval ng bawat emosyon. Pero kinaya ko silang lahat at proud ako sa sarili ko.

Malamang maraming pagbabago. Pisikal, emosyal, mental, pati na din ispiritwal. Kung titingnan ko ang sarili ko kung paano ako nung nagsisimula pa lamang ang 2012, sobrang malayo. Ako pa din ngunit malayo. Ito na yata ang pinakapaborito kong estado ng sarili ko so far. Bukod sa nasa pinakamasaya ako, nasa pinakamatino din ako. Mas malakas na ko at mas malawak na ang pang-unawa ko. Mas handa na din ako sa hinaharap. Nag-improve na din ang social skills ko, hindi na ko ganun ka-awkward lalo na sa mga bagong tao. Mas dumami ang mga kaibigan ko. Mas naging okay ang style ko. (Naks.) Marami pa kong maaaring sabihin na puro pagiging self-centered ang laman pero siguro naman gets niyo na, nag-improve at nag-evolve ako ngayong taong ito. Oo, nag-evolve. Hindi pa talaga tapos ang evolution ko kaya hintay lang.

Sa buong buhay ko, ngayong 2012 na yata ang pinakamaraming beses na nag-travel ako. Nakarating ako sa Cagayan De Oro, Camiguin, Baguio, Singapore, Boracay, Anawangin, Hong Kong, Iloilo at iba pang lugar na kayang baybayin gamit ang kotse. Sana next year, mas marami pa kong mapuntahan para mas masaya ang buhay.

Ngayong taon din ay masasabi kong mas naging malapit ako sa pamilya’t ibang mga kaibigang madalas kong nakakasama. Mas marami kasi akong oras para sa kanila ngayon kahit na nung nagkaroon na ko ng bagong relasyon. Speaking of bagong relasyon, ito yung sinasabi kong matinding pagbawi ng 2012 sa’kin. Si Ishe; ang pinakamagandang nangyari sa’kin; ang dahilan kung bakit mas maayos akong tao ngayon at kung bakit nag-uumapaw ang saya sa puso ko. Siya na talaga yan.

Oo, naging malupit ang unang half ng taong ito sa’kin. Pero kita mo naman ang comeback, sobra pa sa sobra. Bawat dasal ko, ang bilis ng sagot. Hindi ko na kinailangang mag-novena at magdasal nang paluhod sa simbahan ng Quiapo. Minsan nga, iniisip ko kung anung ginawa ko to deserve this. Maraming nagsasabing ito naman talaga ang nararapat sa’kin ngunit masisisi niyo ba ako kung hindi naman talaga ako nasanay sa ganitong klaseng saya? May mga pagkakataon nung simula na gusto kong kurutin ang sarili ko para lang makasiguro na totoo ang lahat ng ito, na totoong parte na nga si Ambrocio ng mundo ko. May sikreto nga pala kong sasabihin sa inyo. Si Ishe, pinagdasal ko yan. Pinagdasal ko ang pagkahulog nyan sa’kin at iba pang mga bagay na nangyari sa’min kahit nung kami na. Walang mintis yan, lahat ng hiling namin, nasagot. Kaya nga mas matindi na ang pananalig ko ngayon, hindi lang sa pinagdadasalan ko, kundi pati sa’ming dalawa. Alam kong nararapat talaga dahil hindi naman ibibigay kung hindi, ‘di ba?

Lahat ng pagod, hirap at sakit na naranasan ko noon sa iba’t ibang mga tao, hindi ko na halos maalala ngayon. Para bang nakakuha ako ng free coupon mula sa Lacuna Inc. para maalis ang mga dapat makalimutan. Nahanap ko potential eternal sunshine ko at ilang linggo na lang ay mayayakap ko na siya nang sobrang higpit at mahahawakan ko na ang kamay niya. Positibo ako sa 2013 dahil simula pa lang, may Ishe nang paparating sa side ko ng mundo. Wala sa LA ang babae para sa kanya kagaya na lang din ng wala sa Pilipinas ang babaeng para sa’kin dahil andun pala ang hinahanap namin sa universe na iimbentuhin namin. Doon pala kami magtatagpo’t hindi na maghihiwalay.

Kaya kung tatanungin mo kung sino ang nanalo sa’min ni 2012? Syempre ako! Na-dehado man ako nung simula, nakatayo’t nakabawi naman ako at nasuntok ko siya na mala-FPJ kaya na-KO agad-agad. Mas malakas, mas matalino at mas masaya ako more than ever paglabas ko ng ring. Ako ang champion!

HAPPY NEW YEAR SA INYONG LAHAT! Nawa’y maging sobrang ganda ng pagsalubong ng 2013 sa inyo at matuluy-tuloy yan hanggang sa matapos ang taon. Good vibes, kids! 🙂

Advertisements

Ahem!

Aside

Hindi related sa Pasko pero isusulat ko ‘to ngayong araw bago pa man mawala sa utak ko.

Na-realize ko lalo ngayong araw na pag tunay na mahal mo ang isang tao, lahat ng bagay tungkol sa kanya ay tatanggapin mo at maiisip mong cute. Lahat ng ugali’t katangiang unti-unti mong madi-diskubre ay, kung hindi mo man magustuhan, mao-overlook mo. Kahit yung pinaka-dumb na bagay na ginagawa niya, magiging cute para sa’yo. Imbes na mairita ka o patigilin mo siya, you’ll always find yourself telling her, “Ang cute mo.” na may halos kilig o matamis na ngiti.

No, I’m not realizing these things just now. Mas nagiging kongkreto lang ang pag-iisip kong ganun. Sa tingin ko naman, sanay na kong tumanggap ng ilang bagay tungkol sa isang tao ngunit hindi ang lubusang maalis ito sa utak ko. May ilang katangian o ugali kasing hinahabol ako hanggang sa panaginip. Tila ba ayaw akong patahimikin. Para bang kine-kwestyon ang pananatili ko sa isang relasyon o friendship.

Si Ambrocio, kahit na base lang halos ang relasyon namin ngayon sa internet, masasabi kong nakita ko na ang 3/4 ng pagkatao niya. Andyan yung isasama niya ko hanggang sa banyo, sa pagyoyosi, sa pagtulog nang nakanganga, atbp. Lahat halos nakita ko na kaya hindi na rin ako masyadong kabado sa tunay na pagkikita namin. Lahat kasi yun natanggap ko na. And for some strange reason, gustung-gusto ko lahat yun. Sobrang gusto ko yung fact na wala siyang hang-ups sa sarili niya, na what you see is really what you get. Kumbaga, wala siyang problema sa sarili niya kaya bakit ako magkakaroon ng issue dun? I’m also pretty confident that I can really be myself around her. Yun lang naman ang hiling ko. Lahat ng kabaliwan ko, lalo na’t pag bilog ang buwan, tanggap niya at kinatutuwaan niya. Hindi ba sobrang amazing nun?

Isang buwan na lang, mayayakap ko na siya’t makakatabing matulog at lahat na. Twenty days times twenty four hours. Clingy na kung clingy pero walang hiwalayan ‘to! 🙂

Maligayang Pasko, mundo!

Huling sulat para kay Ambrocio kung sakali mang magunaw ang mundo bukas

Dear Ambrocio,

Isang tulog na lang at magugunaw na ang mundo. Yun ang sabi ng mga Mayan. Naniniwala ka ba dito? Ako kasi hindi, pero naniniwala ako sa natural na paggalaw at pagbabagong nagaganap sa universe. Kung iba-base mo sa siyentipikong aspeto, medyo nakaka-praning kasi mukhang posible. Teka, bakit ba ako nagmamarunong dito? Ang sulat na ito’y kunwaring huling sulat ko sa’yo kung sakaling magunaw nga ang mundo sa Biyernes. Problema nga lang, hindi ko alam kung alin ang susundin ng mundo, yung oras mo o oras ko.

Bilang posible ding ako ang mauuna dahil mas mauuna ang December 21, 2012 sa parteng ito ng mundo, ako na muna ang mamamaalam sa’yo.

Ang 2012 ang isa sa pinakamaaksyong taon sa buhay ko. Naramdaman ko ang halos lahat ng feelings na maaari kong maramdaman. Maaari kong sabihing pinaglaruan ng 2012 ang pelengs ko ngunit ayos lang naman. Wala naman akong reklamo. Alam mo kung bakit? Kasi bumawi siya sa’kin. Ayun nga, nakilala kita. Kung magugunaw man nga ang mundo bukas, masaya ako dahil ikaw ang magiging huling babaeng mamahalin ko at ako din ang sa’yo. Hindi ako ganun kahanda kung sakali ngunit masaya ako dahil yung mga huling buwan ng buhay ko, inalay ko sa’yo. Kumbaga, pinalasap na sa’kin ang tunay na kaligayahan sa pamamagitan mo. Kahit malayo tayo at wala pang kahit anung physical contact, hindi ako nagrereklamo at hindi ako magrereklamo. Basta naging masaya ako at dahil yun sa’yo. Yun na lang ang pinakahabol ko.

Kaya ngayon, may isang hiling ako sa’yo. Maaari bang magkausap lang tayo sa Skype hanggang sa pumatak ang December 21 sa timezone ko at pati na din sa timezone mo? Basta gusto ko magkausap lang tayo. Para kung matuloy man ang katapusan, ikaw ang huling makikita’t makakausap ko. Tutal naman, buong buhay ko, nakaharap ko na lahat ng mga tao sa paligid ko. At kung charot man ang end of the world, at least masasabi nating nalagpasan natin yung nang magkasama. Pwede ba yun? Kahit ang cheesy, pwede ba yun? Pangako kong sasabihin ko ang lahat ng pinaka-kesong bagay sa’yo, ibe-baby kita nang walang humpay, bibigyan kita nang sandamukal na virutal hugs at kisses at kung gusto mo may huling chenelin pa. Basta gusto ko andyan ka lang, pwede?

Pero alam naman natin parehong hindi pa maaaring magunaw ang mundo dahil magkakasama pa tayo. Kailangan pa nating magkita muna bago ang lahat. Marami pa tayong mga plano. Marami pa tayong lugar na pupuntahan. Ayun lang naman.

Huling girlfriend mo kung sakali,

Bogs

 

xxxxii

Dear Ambrocio,

Napapadalas ka na sa panaginip ko. Mas madalas ngayon kumpara noon. Katunayan, hindi pa nagsi-sink in sa’kin na malapit na tayong magkasama. O marahil yun ang akala ko. Baka sa likod ng utak ko, hindi na talaga maitago ang pagkaatat ko kaya sa panaginip lumalabas ang lahat ng excitement na nararamdaman ko.

Kung noon, pa-sweet lang na imahe mo ang lumalabas sa panaginip ko, ngayon iba na, may pakiramdam nang kasama. Noon kasi ni hindi ko nakikita ang mukha mo o ang hugis at anino mo ngunit alam kong ikaw yun. Ngayon sobrang ibang-iba, mas nakakatuwa. Pati ang pakiramdam ng pagyakap ko sa’yo, kasama na din. Unti-unti na kitang nararamdaman, mahal ko. Konti pa, ilang linggo pa.

Hindi ako naiinip, hindi ako maiinip. Walang-wala ang ilang linggong natitira sa halos buong buhay kong paghihintay sa pagdating mo. Kaya ano ba naman ang katiting na lang na panahon? Yakang-yaka yan!

Mahal ko, maaari mo bang dalasan ang pagbisita at pagyakap sa’kin sa panaginip ko? Hindi lang yung pagtulog ko sa gabi ha, pati na din sana sa mga siesta ko.

Bogart