xxxxviii

Mga ganitong panahon last year, perstaym kong maka-holding hands ka. Sariwang-sariwa pa sa alaala ko yung unang pagkikita natin sa airport, kung paano ka halos tumakbo papunta sa’kin para yakapin ako. Kung paano ka nagpabalik-balik at nagpalakad-lakad kasi ramdam ko pa rin yung pagkailang at kaba mo sa unang pagkikita natin. Kung paanong nakalimutan kong ilabas yung telepono ko para i-video yung unang “eyeball” natin kasi nga nataranta rin ako. Kung paanong maya’t maya akong nananalamin para i-check ang sarili ko dahil baka may dumi ako sa mukha habang naghihintay sa paglabas mo. Ayokong marumi ang mukha ko pag nakita mo ko. Ilang tissue rin ang nagamit ko dahil pinapawisan ako nang malamig at unti-unting nagiging oily ang mukha ko. Sa kabila ng kaba ko, nagawa ko pang maging vain, ano?

Alam na alam ko pa rin yung pakiramdam na mayakap ka sa unang pagkakataon, pati yung amoy mo at ng paligid. Kabisado ko pa rin yun dahil yun ang pinakapaborito kong alaala ko sa’yo kasi yun ang pinakamatamis. Yung isang wisik o singhot ko lang sa pabango mong pinilit ko pang iwan mo sa’kin, natri-trigger ang lahat ng masasayang memories nating dalawa mula sa unang araw mo rito. Miss na miss na kita, birthday girl. Dalawang buwan pa at matatapos na rin ang pagititiis natin. I love you, love.